Kukuwestyunin ng Bayan Muna ang balak ng Department of Energy (DOE) na payagan ang 100% na dayuhang pagmamay-ari sa renewable energy.
Ayon kay Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate, matinding banta ito sa seguridad ng bansa dahil magkakaroon ng karapatan ang mga dayuhan na kontrolin ang ating power grid na maaaring mauwi sa pagkapilay ng ating depensa o kaya naman ay ma-hostage ang ating ekonomiya.
Malinaw aniya na nilalabag din dito ang citizenship limitations sa national economy at patrimony provisions na itinatakda ng Saligang Batas.
Tinawag din na “ironic” ni Zarate ang hakbang ng DOE dahil itinutulak ng kasalukuyang administrasyon ang 100% foreign ownership sa renewable energy resources pero hindi naman nabigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN bunsod ng isyu ng pagiging American citizen ni ABS-CBN Chairman Emeritus Gabby Lopez.
Nababahala ang kongresista dahil mistulang ibinebenta ang Pilipinas tulad sa China at US kung saan sa huli ay maaaring ipagkait pa sa mga Pilipino ang paggamit ng resources sa sariling bansa.