Planong pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino, isinalaysay sa pagdinig ng Senado

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ay idinetalye ni Police Master Sergeant Jose Senario ang pagpaplano sa pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino noong March 8.

Kwento ni Senario, taong 2018 ay inutusan sya ng hepe ng Provincial Drug Enforcement Unit ng Samar na si Capt. Joselito Tabada para mag-surveillance kay mayor at pakunan ito ng search warrant o kaya ay i-ambush na lang.

Ayon pa kay Senario, noong 2018 ay inutusan naman siya ni Raymundo Uy na gumawa ng affidavit na nagsasabing pinoprotektahan ni Mayor Aquino ang kanyang police escort na sangkot sa drug trade.


Sabi ni Senario, nakalaban si Uy ni Aquino sa pagka-mayor.

Binanggit din ni Senario na pinatawagan sa kanya noon ang lider ng umano’y private armed group ni Aquino.

Ayon kay Senator Panfilo “Ping” Lacson, base sa salaysay ni Senario ay mukhang pulitika ang dahilan ng pagpatay kay Mayor Aquino at hindi ilegal na droga.

Bukod pa ito sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at National Bureau of Investigation (NBI) na wala ang alkalde sa listahan ng mga sangkot sa illegal drugs.

Lumalabas naman sa report ng pulisya na shootout ang nangyari kung saan napatay si Aquino at dalawa pa nitong kasama.

Base sa pagdinig, sinampahan na ng kasong homicide at frustrated homicide ang mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Mayor Aquino.

Sinampahan naman ng kasong murder ang anak ng alkalde na si Ronald Mark Aquino at iba pa dahil sa pakikipagbarilan sa mga pulis.

Facebook Comments