Umaasa si Senate President Chiz Escudero na makalilikha ng mas maraming trabaho sa bansa ang pagsasabatas sa panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) Act.
Nakatakdang lagdaan ngayong araw ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukala na isa sa mga priority legislation ng administrasyon na magbibigay sigla sa ekonomiya.
Inaamyendahan ng panukala ang Republic Act 11534 o ang orihinal na CREATE Act at layunin nitong mas simplehan at pabilisin ang value-added tax (VAT) provisions ng batas partikular sa mga VAT refund claims at VAT zero-rating sa mga lokal na pinamimili.
Ayon kay Escudero, ang bagong batas ay lilikha ng mas kanais-nais na sitwasyon para sa mga investors na inaasahang makalilikha ng mas maraming trabaho at mag-uudyok ng pag-unlad na hindi maaapektuhan ang kita ng bansa.
Aniya pa, ang hanap lang naman ng mga negosyante ay malinaw at hindi nagbabagong mga alituntunin sa bansa.