Planong pagtaas ng toll fee sa NLEX ngayong Agosto, tinututulan ng ilang senador

Hinaharang nina Senators Sherwin Gatchalian at Raffy Tulfo ang muling pagtataas ng toll sa North Luzon Expressway (NLEX) ngayong buwan ng Agosto.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Public Services, sinabihan ni Tulfo, Chairman ng komite, na mahiya naman ang Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH) at National Economic and Development Authority (NEDA) sa pangit na serbisyong ibinibigay sa mga motorista.

Aniya pa, makapal na ang mukha ng mga ahensya kapag pinayagan pa ang toll fee hike gayong hindi pa naman nareresolba ang mga problema tulad ng palpak na Radio Frequency Identification (RFID).


Ipinakita naman ni Gatchalian ang mga larawan ng mga palpak na barriers at aniya dapat sukatin muna ng toll regulatory board o TRB ang performance ng mga toll operator bago payagan ang anumang pagtataas sa singil sa toll.

Pero ayon kay TRB Executive Director Alvin Carullo, pinayagan ang toll increase dahil nakasaad sa kontrata na maaaring magdagdag ng singil ang operator kada dalawang taon.

Tiniyak naman ni Metro Pacific Tollways Corporation President Rogelio Singson na kasado na ang kanilang massive replacement ng mga RFID sticker at inamin na sablay ang first generation na naisyu noon.

Facebook Comments