Planong pagtakbo bilang senador ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga anak nito, nakababahala para sa Pilipinas ayon kay Trillanes

Nakababahala para sa Pilipinas ang planong pagtakbo bilang senador ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga anak nito na sina Davao City Mayor Sebastian Duterte at Congressman Paolo Duterte sa 2025 midterm elections.

Ito ang inihayag ni former Senator Antonio Trillanes sa panayam ng RMN Manila kasunod ng pahayag ni Vice President Sara Duterte na tatakbo bilang senador ang kanyang ama at mga kapatid.

Giit ni Trillanes, paraan lang ito ng mga Duterte para makabalik sa pwesto at pangunahing layunin lang nito ay i-hostage ang administrasyong Marcos.


Wala naman aniyang gagawin na maayos ang mga Dutertekung sakaling makabalik ito sa kapangyarihan.

“Nilugmok lang [nila] ang ekonomiya ng bansa, maraming pinatay na inosente na Pilipinong mahihirap at itong ekonomiya talagang bumagsak, lumubog tayo sa utang. Ang dami pa nilang ginawa, itong mga problema sa POGO, ngayon sila ‘yan at ito ngayong corruption issues na ginawa sa ahensya ng gobyerno, naglalabasan ngayon, kaya mas nakakabahala yung mga ganon posibilidad at pag nag-senador yan, maniwala kayo, walang gagawin yan kundi i-harass lang, leverage ito against the Marcos administration.”

Dagdag pa ni Trillanes, bagama’t may hatak pa rin sa publiko ang mga Duterte ay posibleng makaapekto sa kanilang pagtakbo ang mga anomalyang kinabibilangan ng kanilang pamilya gaya ng imbestigasyon ng International Criminal Court kay dating Pangulong Duterte.

Facebook Comments