
Wala pang ipinaabot na pormal na komunikasyon o alok ang Amerika sa Pilipinas na magtayo ng storage facility at pasilidad para sa produksyon ng armas ng kanilang militar.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mas makabubuti aniya kung mailatag muna kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang plano ng US Congress bago makapagbigay ng komento o desisyon sa posibleng pagtatayo ng pasilidad sa bansa.
Gayunman, sinabi ni Castro na lagi namang nakaayon ang Pangulo sa mga hakbang na makabubuti para sa Pilipinas at kapakanan ng taong bayan.
Batay sa report ng US House Committee on Appropriations nitong Hunyo, inatasan ang US Department of Defense (DOD), at Department of State and the International Development Finance Corp., na pag-aralan ang posibilidad na magtayo ng isang joint ammunition manufacturing and storage facility sa lokasyon ng dating US Naval Base sa Subic, Zambales.
Nauna nang nagpahayag ng pagiging bukas si Defense Sec. Gilbert Teodoro sa panukala, pero nilinaw na wala pang natatanggap na pormal na proposal ang gobyerno mula sa Amerika.









