Nais ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPi) na busisiing mabuti ng pamahalaan ang planong pagtatayo ng mga specialty hospitals sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PHAPi President Dr. Jose Rene de Grano na kung magtatayo aniya ng mga specialty center ay mahalagang isipin muna kung kailangan ba talaga ito sa isang partikular na lugar.
Ayon kay De Grano, sa kabila na nauunawaan aniya nila na bahagi ito ng implementasyon ng Universal Health Care Law pero ay dapat huwag nang maglagay sa mga lugar na may malalaki nang ospital.
Sa ganitong paraan aniya ay hindi nagdodoble o magkakaroon ng redundancy.
Iginiit pa ni De Grano na kung kaya namang i-provide ng isang pribadong ospital ang mga serbisyong kinakailangan sa isang lugar ay doon na lang muna at huwag nang magtayo ng kaparehong special facility.
Matatandaang inihayag ni Pangulong Bongbong Marcos kamakailan na planong magtayo ng mga specialty hospitals dahil hindi lamang aniya dapat sa Metro Manila mayroon nito kundi maging sa mga lalawigan sa bansa.