Sobra – sobra ang suplay ng karneng baboy sa mga storage facility.
Ito ang binigyang-diin ngayon ni Pork Producers Federation of the Philippines Chairman at House Committee on Agriculture and Food Vice Chairperson Agap Party-list Rep. Nicanor Briones matapos ang plano ng Department of Agriculture (DA) na muling mag-import ng karneng baboy ang bansa.
Ang hakbang ng pamahalaan ay dahil umano sa posibleng kakapusan ng suplay ng karneng baboy ngayong kapaskuhan dahil sa banta ng African Swine Fever.
Sa interview ng RMN Manila, ibinulgar ni Briones na nasa 110-million kilos pa ang supply ng imported pork meat sa mga storage facility na posibleng umabot hanggang Disyembre.
Bukod dito, mas in-demand din aniya ang fresh meat na locally produce tuwing holiday season kaysa sa frozen products.
Sinabi ni Briones na dahil sa importasyon ay patuloy silang nalulugi partikular ang mga backyard raiser kung saan pumapatak na lamang ngayon sa ₱160-₱170 ang farm gate price ng karneng baboy gayong mas mataas ang nagagastos nila sa production cost.
Iginiit din ni Briones na matagal nang problema ang ASF sa bansa kaya hindi sila naniniwala sa dahilang ito ng Agriculture department, bagkus gusto lamang nilang palawigin ang Executive Order No. 10 na mapapaso na sa Dec. 31.
Kaya panawagan ng grupo sa pamahalaan, imbes na mag-angkat ay solusyunan ang problema sa ASF tulad ng pagbibigay ng bakuna sa mga baboy at ayuda sa mga hog raiser.