Hindi sang-ayon ang Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa plano ng mga negosyante at ng gobyerno na ihiwalay ang mga vaccinated at unvaccinated na mga manggagawa at magpapatupad ng polisiyang pumipilit na bakunahan ang mga manggagawa.
Ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng grupo ng mga manggagawa na (ALU-TUCP), maraming mga manggagawa ang mawawalan ng trabaho at babagsak sa underemployment kapag ipatupad ang panukalang sapilitang bakunahan ang mga manggagawa.
Ani Tanjusay, dehado at luging-lugi ang mga manggagawa sa ganitong polisiya dahil kulang na kulang ang supply ng mga bakuna sa bansa.
Aniya, gugustuhin man ng mga manggawa na magpabakuna subali’t hirap na hirap sila makakuha ng vaccination slot.
Sa katunayan, araw-araw na nagbabasakali ang mga manggagawa na makahanap ng walk-in vaccination slots lalo na yung mga manggagawang nagtatrabaho sa National Capital Region (NCR) ngunit umuuwi sa mga probinsiya gaya ng Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal at Batangas kung saan limitado ang suplay.
Maraming manggagawa ang isinasakripisyo ang kalahati o isang araw na sahod upang makipila sa mga vaccination center.
Babagsak at malulugi rin ang mga negosyo kung bakunado lamang na manggagawa ang papayagang makapasok sa trabaho at bakunadong customer lamang ang papayagang pumasok sa mga establisyimento.
Unfair din ang polisiyang ito para sa mga mahihirap na manggagawa at mahihirap na negosyante ng kompanyang hindi kayang bumili ng bakuna para sa kanilang mga empleyado at mas makakalamang ang malalaki at mayayamang negosyanteng kayang bumili ng bakunado para sa kanila.
Sa halip na i-discriminate ang mga vaccinated at unvaccinated na mga manggagawa, nananawagan ang ALU-TUCP na bumili ang mga negosyanteng ng bakuna at ipaturok sa mga manggagawang hindi pa nabakunahan.