Suportado ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Salceda ang mungkahi na bawasan o alisin ang 35 porsyentong taripa na ipinapataw sa imported na bigas para mapababa ang presyo nito sa bansa.
Pero giit ni Salceda, dapat itong sabayan ng pinag-ibayong pagbili ng National Food Authority o NFA ng palay sa ating mga magsasaka upang hindi naman sumadsad ang farmgate price ng lokal na bigas.
Ayon kay Salceda, sa ilalim ng Rice Tariffication Law ay pinapahintulutan ang NFA na bumili ng palay mula sa lokal na produksyon.
Kasabay nito ay pinawi din ni Salceda ang mga pangamba na makaka-apekto sa Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF sakaling tapyasan o alisin ang rice tariff na inaasahang magresulta ng P6 bawas sa presyo ng kada kilo ng bigas.
Paliwanag ni Salceda, nakolekta na ang kinakailangang P10 billion na halaga ng taripa na siyang pinampopondo sa RCEF.
Para kay Salceda, mainam din na ipaubaya na lang sa pangulo ang pagbabago sa rice tariff rates dahil malapit ng mag-adjourn ang Kongreso.