Manila, Philippines — Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na wala nang magiging sagabal sa pagtatayo ng expressway mula Caloocan City hanggang Valenzuela City.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, matatapos na ang NLEX Harbor Link Segment 10 kung saan tiniyak ng kalihim na 100 percent na malinis ang mga daraanan ng nasabing expressway mula sa Karuhatan hanggang sa C3 Road.
Sa pagtataya ng kalihim, matatapos ang naturang expressway sa buwan ng Disyembre ngayong taon para maibsan ang daloy ng trapiko sa mga nasabing lugar.
Ang NLEX Harbor Link Segment 10 ay may habang 5.65 kilometers. Ito ay bumabaybay mula sa NLEX, MacArthur Highway sa Karuhatan, Valenzuela City, patungong Malabon City at C3 Road, Caloocan City. Mayroon din itong 2.6 kilometer section sa pagitan ng C3 Road sa Caloocan City at R10 sa Navotas City.
Kapag natapos na ang expressway, dito na daraan ang mga cargo truck mula sa Pier ng Maynila patungo sa mga Lalawigan sa Northern Luzon.