May nakuhang plastic garbage bag sa tiyan ng isang dolphin na namatay isang araw matapos mapadpad sa Palawan, Biyernes, Hunyo 28.
Na-stranded sa Nacpan Beach, Huwebes ng umaga, ang batang rough-toothed dolphin na pinangalanang Wally, ayon sa environment department ng El Nido Resort.
Sa post-mortem examination na ginawa ng mga eksperto, lumabas na nakalunok ng plastic garbage bag ang dolphin at na-stuck sa tiyan nito.
Nakaharang umano ang plastic kaya maging ang buto ng isdang kinain ng dolphin ay hindi nakadaan sa sikmura.
Hinihinalang ito ang sanhi ng tuluyang panghihina at pagkamatay ng dolphin.
Iginiit naman ng grupo ang kinakailangang pagsusulong sa pagbabawal ng single-use plastics.
Parami nang parami na anila ang mga hayop na nagkakasakit o ang masama, ay namamatay sanhi ng plastic pollution.