Manila, Philippines – Papatawan na rin ng excise tax ang mga plastic bags na ginagamit sa mga supermarkets, malls, shops, sales outlets at iba pang kahalintulad na establisyimento.
Sa House Bill 8523 o Plastic Bag Tax Act na inihain ni Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing, ay papatawan ng P10 excise tax ang bawat plastic bags na gagamitin o paglalagyan ng mga pinamiling produkto mula sa mga nabanggit na establisyimento at pamilihan.
Ipapataw ang nasabing excise tax sa plastic bags sa mga establisyimento na may gross receipts na lagpas sa P100,000 o mga bagong tayong negosyo na may capital na hindi bababa sa P100,000.
Gayunman, exempted naman sa P10 dagdag na excise tax ang ilang produkto o pagkain na ang ‘original packaging’ ay plastic katulad ng isda, karne, poultry products, gulay, prutas, confectionery, dairy products, ice at mga lutong pagkain.
Paliwanag ni Suansing, makakatulong ang dagdag na excise tax sa mga plastic bags para maiwasan ang paggamit nito na lubhang nakakasira sa kapaligiran at kalusugan ng mga tao.
Ang kita na makokolekta dito ay gagamitin para sa pagpopondo sa mga programa at proyekto ng pamahalaan lalo na sa mga programa sa paglaban sa epekto ng paggamit ng plastic.