Plastic bags, maaaring pabayaran na lang sa mga customer sa halip na buwisan

Sa tingin ni Committee on Ways and Means Chairperson Senator Pia Cayetano, maaaring gayahin natin ang ibang bansa na pinagbabayad ang mga customer na nais gumamit ng plastic bag.

Sinabi ito ni Cayetano, makaraang aminin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na bagama’t suportado nito ang panukalang buwisan ang plastic bags ay magiging magastos din ang pag-monitor nito mula sa pagawaan.

Pero punto naman ng Department of Finance (DOF), kung pababayaran ang plastic bag sa mga customer sa halip na ito ay buwisan ay hindi magkakaroon ng dagdag na kita ang pamahalaan na magagamit pantugon sa pandemya.


Binanggit din ng DOF na suportado nito ang panukala pero magiging mahirap buwisan ang imported na plastic bags kumpara sa mga gawa sa ating bansa.

Ayon kay Cayetano, hindi naman patas kung ang locally produced lang na plastic bag ang bubuwisan at hindi ang imported.

Ang panukalang buwisan ng ₱20 ang bawat kilo ng imported at locally produced na plastic bag ay nagmula sa Kamara at layuning magkaroon ng dagdag na koleksyon ang gobyerno at mabawasan din ang paggamit ng plastic bag na nakakasira sa kalikasan.

Facebook Comments