Simula November 4 ay pwede nang tanggalin ang plastic barrier ngayong naitaas na sa 70-percent seating capacity ang mga Public Utility Vehicles o PUVs.
Sa pulong balitaan ng Department of Transportation (DOTr), sinabi ni Assistant Secretary Mark Steven Pastor, walang medical evidence na nagsasabi na nakatutulong ang paglalagay ng plastic barrier para maiwasan ang COVID-19.
Maari pa nga raw panggalingan ng virus ang mga nakakabit na plastic barrier.
Hindi na nakikita ng DOTr na magkakaroon ng pagbabago sa hitsura o porma ng mga jeep sa ilalim ng 70 percent capacity.
Mananatili pa rin ang pagsunod sa health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield at dahil hindi pa 100 percent ang capacity, iiral pa rin ang physical distancing sa loob ng mga PUVs.
Para naman sa porma ng modern jeepney, papayagan ang mga nakatayong pasahero basta’t sa pagitan kung saan wala siyang kaharap na pasahero.
Kung 24 na pasahero ang kapasidad ng modern jeep, maari lang itong makapagdagdag ng limang pasahero sa ilalim ng 70 percent capacity.
Makikipagpulong ang DOTr sa mga operator at tsuper upang pag-usapan ang mga pagbabago.
Kabilang sa mga pasok sa 70 percent ay ang mga PUVs sa Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal.