Nakipagtulungan ang lokal na pamahalaan ng Davao City sa dalawang pribadong organisasyon upang palawigin ang pagre-recycle ng mga boteng gawa sa polyethylene terephthalate (PET).
Layunin nitong gawing mga upuan ang plastic bottles upang muling maging kapaki-pakinabang.
Para maayos ang pangongolekta, nagtayo ang Coca-Cola Beverages Philippines Inc. (CCBPI) ng malaking collection bin na kahugis ng kanilang bote sa Magsaysay Park, kung saan isinasagawa ang Kadayawan Festival.
Coca-Cola ang nagpasimula ng kampanyang “World Without Waste”.
Plano ring lagyan ng collection bin sa People’s Park, Rizal Park, Botanical Garden, at Sta. Ana Wharf, sa oras na pahintulutan ito ng Parks Board ng lungsod, ayon kay City Administrator Zuleika Lopez.
Responsable naman ang Winder Recycling Company sa pagpoproseso ng mga maiipong plastic bottle na gagawing mga upuan.
Nangako si Lopez na paninindigan ng lungsod ang kampanya, hindi lamang tuwing Kadayawan Festival.