Pinatututukan din ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga e-commerce platforms na gumagamit ng sobra-sobrang plastic packaging.
Ang suhestyon ng kongresista ay kasunod na rin ng hakbang ng ahensya na ipagbawal na ang paggamit ng plastic straws at plastic coffee stirrers sa buong bansa.
Ayon kay Biazon, ngayong naging ‘norm’ na ang online-shopping ay kapansin-pansin din ang nakakabahalang pagdami ng plastic waste.
Inihalimbawa ng mambabatas ang binili nitong maliit na LED strip light connectors sa online na mas malaki pa ang ibinalot na plastic pouch kumpara sa biniling produkto.
Aniya, ang mga malalaking American e-commerce site ay hindi na gumagamit ng plastic o bubble wrap kundi cardboard na lamang.
Umapela ang kongresista na ang regulasyon sa plastic packaging ay kailangang may kaakibat na mahigpit na polisiya gayundin sa handling ng mga packages ng mga courier services.
Nauna nang naghain ng House Bill 546 si Biazon na nananawagan sa phase-out ng single use plastic.