Sa ilalim ng Lacson administration, una ang paglilinis ng katiwalian sa pamahalaan para maibaba sa taumbayan ang maayos na serbisyo at mga benepisyo.
Ito ang laman ng mensahe ni Partido Reporma Chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanyang paunang pahayag sa “Panata sa Bayan: the KBP Presidential Candidates’ Forum” na dinaluhan ng apat na iba pang mga kandidato sa pagkapangulo para sa gaganaping halalan sa Mayo 9.
“Isa sa mga natutuhan ko sa loob ng kalahating siglong serbisyo-publiko bilang sundalo, pulis, at mambabatas ay ang kasabihang ‘huwag sasabak sa giyera nang hindi handa,’” pahayag ni Lacson.
Malinaw para kay Lacson kung sino ang mga kalaban, “pandemya, kahirapan, kawalan ng trabaho, napakalaking utang, gutom, hamon sa edukasyon; at ang pinakamasakit – ang talamak na pagnanakaw o pag-aksaya ng pera ng bayan mula pa sa panahon ng gintong orinola noong mga 1950s.”
“Let me share with you the unfortunate reality: Lahat tayo takot manakawan, ngunit tuwing eleksyon naman, may binoboto tayong mga magnanakaw,” diin ni Lacson.
“For the longest time, we have witnessed how corruption, the worst form of thievery, destroys our nation — denying our people their livelihood, health, education, equal opportunity, and worst, the future of our next generation,” dagdag ng dating hepe ng Philippine National Police.
Inilahad din ni Lacson na ₱700 bilyon ang nawawala sa bansa kada taon dahil sa korapsyon – na dumiretso sa bulsa ng ilang ganid sa kapangyarihan. “Taon-taon, nawawalan ng halaga ang bawat pisong mula sa buwis ng mga Pilipino; nawawalan tuloy ng saysay ang bawat boto,” aniya.
“Isang maaasahan at mapagkakatiwalaan na pamahalaan – this is my vow to our people. Sa loob ng unang isang daang araw, sisimulan ko ang internal cleansing laban sa mga ICUs – o mga Inept, Corrupt, at Undisciplined government officials and employees,” sabi pa ng chairman ng Partido Reporma.
Sinabi niya rin na sa kanyang pamumuno, magiging armas ng pamahalaan ang siyensya, datos mula sa mga pag-aaral, at maagap na solusyon para sa mga problema na posible pa ring umiral sa mga susunod na henerasyon.
“My mission is clear: ‘Aayusin ang gobyerno upang maging maayos ang buhay ng bawat Pilipino’,” giit niya.
Sa ilalim ng maayos na pamahalaan, sinabi ni Lacson na magkakaroon ng sapat na pondo para sa maayos na serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng paglalaan ng P260-bilyong budget sa Universal Healthcare Act, kung saan isa siya sa principal author.
Layunin nito na magkaroon ng isang hospital bed para sa 800 indibidwal, dagdag na benepisyo sa mga healthcare worker, health station sa bawat barangay upang makasabay sa paglipat ng bansa mula sa COVID-19 pandemic patungo sa endemic na estado.
Nakaplano na rin ang mga gagawin ni Lacson upang mapasigla ang ekonomiya na magsisimula sa pagsuporta sa mga maliliit na negosyante o mga kabilang sa micro, small, medium enterprises (MSMEs) sa tulong ng Comprehensive and Targeted Fiscal Stimulus Packages.
“Itataguyod ko ang Reformed 4Ps hindi lamang para itawid kundi para iahon sa kahirapan ang buhay ng ating mga mamamayan. Ang kaakibat ng ayuda mula sa gobyerno ay disenteng hanapbuhay,” dagdag niya.
Sa ilalim ng maayos na pamamahala, uunahin ni Lacson ang pagbibigay ng binhi, pataba, patubig, makinarya at pasilidad upang palakasin ang productivity ng mga magsasaka at uunti-untiin hanggang tuluyang magwakas ang ‘importation-dependent mentality’ na pumapatay sa sektor ng lokal na agrikultura.
Sa ilalim ng maayos na pamamahala, bibigyang-prayoridad ni Lacson ang kalidad na edukasyon sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga oportunidad sa mga mag-aaral tulad ng monthly allowance, government internship program, at tulong upang makumpleto nila ang kanilang pag-aaral hanggang kolehiyo.
Sa ilalim ng maayos na pamamahala, sisiguraduhin ni Lacson na maayos na magagastos ang budget ng bansa at maibababa sa mga lokal na pamahalaan ang pondo na nasasayang lamang dahil sa mali at hindi nagagastos na pondo ng mga national agency na umaabot sa P300 bilyon kada taon.
“Marangal na trabaho at patas na oportunidad para sa lahat, malapit o malayo man sa Kamaynilaan,” ayon pa kay Lacson.
“Sa madaling sabi: Tataya tayo sa ating mga programa na tinitiyak kong may kongkretong direksyon, plano, at pondo — makatotohanan at napag-aralan, hindi puro kwentuhan at bolahan,” lahad ng standard-bearer ng Partido Reporma.