Tinitingnan pa ng mga otoridad ang ilang anggulo sa nangyaring New Years eve blast sa Cotabato City.
Ayon kay Major General Cirilito Sobejana, commander ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, maliban sa posibilidad na kagagawan ng Daulah Islamiyah Terror Group ang pagpapasabog ay may iba pang anggulo na tinitingnan dito ang militar.
Posible aniyang bunsod ng nalalapit na plebesito sa Bangsamoro Organic Law (BOL) ang isa sa dahilan ng pagpapasabog sa harap ng isang mall sa Cotabato.
Inamin ni Sobejana na may matinding iringan ang mga tutol at sumusuporta sa BOL sa Mindanao.
Aminado din ang opisyal na palakasan ng pwersa pagdating sa usaping politikal sa Mindanao at kung sino ang malakas ay yun ang magwawagi o mangunguna.
Ang plebesito para sa BOL sa mga lugar na sakop ng ARMM, Isabela City sa Basilan at Cotabato City ay gaganapin sa Enero 19 habang sa mga lugar na Lanao del Norte maliban sa Iligan City at anim na munisipalidad sa North Cotabato ay isasagawa naman ang plebesito sa Pebrero 6.
Inaasahan na 2.8 million na mga botante ang boboto sa nalalapit na plebesito sa BOL.
Maliban sa mga terorista at sa nalalapit na plebesito sa BOL, isa rin sa tinitingnang dahilan ng pagpapasabog ay ang pangingikil ng mga komunista at rebeldeng grupo sa lugar dahil nangyari ang pambobomba sa isang business establishment.