Kumpyansa si Senate subcommittee on Constitutional Amendments Chairman Senator Sonny Angara na may sapat na panahon pa para maisabay sa 2025 midterm elections ang plebesito para sa Charter change (Cha-cha).
Ayon kay Angara, buwan pa lang ng Marso at marami pang buwan bago mag-Oktubre, ang target na buwan ng Senado para tapusin ang talakayan at maipasa ang Resolution of Both Houses No. 6.
Marami pa aniyang pagkakataon para maplantsa ang mga detalye tungkol sa pag-amyenda ng economic provisions ng 1987 Konstitusyon.
Target naman na bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos ay nasa plenaryo na ang panukalang Cha-cha para pagdebatehan ng buong Senado.
Una nang sinabi ni Angara na target nila na maaprubahan ang economic Cha-cha bago mag-Oktubre para maisabay sa 2025 elections ang pag-imprenta ng mga balota ng tanong ukol sa panukalang pag-amyenda sa saligang batas.