Ngayong araw nakatakdang simulan sa plenaryo ng House of Representatives ang debate para sa panukalang ₱6.352 trilyon na pambansang badyet para sa 2025.
Batay sa iskedyul ng deliberasyon, walong araw ang inilaan ng Kamara para sa debate sa plenaryo na magsisimula ng alas-10 ng umaga ngayon at matatapos bago ang adjournment ng sesyon sa Setyembre 25.
Sisimulan ang deliberasyon sa pamamagitan ng sponsorship speech ni House Committee on Appropriations Chairman at Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.
Susundan ito ng debate hinggil sa general principles at panukalang badyet ng Department of Finance, Department of Justice at National Economic and Development Authority, kasama ang attached agency at lumpsum na badyet ng mga ito.
Simula bukas naman ay magkakasunod ng ilalatag sa plenaryo ang proposed 2025 budget ng bawat ahensiya o departamento ng pamahalaan.
Bunsod nito ay pinasalamatan naman ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez si House Committee on Appropriations chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at Senior Vice Chairperson at Marikina City Rep. Stella Quimbo sa pagtapos ng pagtalakay sa komite panukalang badyet sa takdang oras.