Manila, Philippines – Umarangkada na sa Kamara ang deliberasyon ng panukalang 3.767 trillion pesos na pambansang pondo para sa susunod na taon.
Inihain ni House Committee on Appropriations Chairman Rep. Karlo Nograles ang mga mahahalagang puntos at prayoridad ng budget para maabot ang pagkakaroon ng maayos at maginhawang pamumuhay ng bawat Pilipino.
Una na rito ang pagtugon sa kahirapan sa pamamagitan ng mahusay na edukasyon.
Pagbubutihin din ang healthcare sa pamamagitan ng pagsasa-ayos ng mahigit 300 ospital, pagpapagawa ng barangay health stations.
Palalakasin din ang labor sector pati na rin ang Conditional Cash Transfer (CCT) program.
Dadagdagan din ang budget sa Dept. of Agriculture para matiyak ang suplay ng pagkain sa bansa.
Prayoridad din sa ilalim ng Duterte administration ang Build, Build, Build Program para naman sa mga proyektong imprastraktura.
Target nilang matapos ang debate sa plenaryo sa Biyernes at maipasa ito sa ikatlo at huling pagbasa.
Inaasahang lalagdaan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte bago mag-Nobyembre 15.