Plenary deliberations sa proposed 2026 budget ng OVP, inindyan ni VP Sara at wala rin siyang ipinadalang kinatawan

Ngayong araw ang ikatlong beses na inindyan ni Vice President Sara Duterte ang plenary deliberations para sa mahigit ₱902.8 million na panukalan 2026 budget ng Office of the Vice President (OVP).

Ayon sa sponsor ng OVP budget na si Palawan Representative Pepito Alvarez, wala ring ipinadala si VP Sara na kahit isang kinatawan at sa halip ay nagsumite ito ng liham sa House Committee on Appropriations na naglalaman ng mga kondisyon bago sya humarap sa budget deliberations.

Unang kondisyon ni VP Sara na paharapin din sa budget deliberations si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., para sa paghimay sa ₱27.3 billion na panukalang pondo sa susunod na taon ng Office of the President.

Ikalawang kondisyon ni VP Sara na mag-produce ang House Committee on Good Government and Public Accountability ng dokumento mula sa Department of Justice (DOJ) na nagsasaad na tinanggal na sa Immigration Lookout Bulletin Order ang pitong OVP personnel.

Kinabibilangan ito nina:
• Atty. Zuleika Lopez
• Lemuel Ortonio
• Atty. Rosalynne Sanchez
• Atty. Sunshine Charry Fajarda
• Gina Acosta
• Julieta Villadelrey
• Edward Fajarda

Noong September 29 at September 30 ay nagpadala ng kinatawan si VP Sara sa pangunguna ni Assistant Secretary Lemuel Ortonio pero base sa House rules dapat ay head o pinuno ng ahensiya ang haharap sa budget deliberations o kaya ay undersecretary.

Pero sa isa pang liham ni VP Sara sa kamara nakasaad na naka-leave of absence si Undersecretary Zuleika Lopez na siya ring chief-of-staff ng OVP kaya at si Ortonio ang officer-in-charge.

Facebook Comments