PLtCol. Santi Mendoza, posibleng matanggal sa serbisyo

Maaaring matanggal sa serbisyo si Police Lt. Col. Santi Fuentes Mendoza ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP PDEG).

Ito’y matapos nyang isiwalat sa pagdinig ng Quad Committee sa Kamara de Representantes na sina dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma at National Police Commission Commissioner Edilberto Leonardo ang nag-utos umano sa kanya para patayin ang nakaupong PCSO Board Secretary Wesley Barayuga noong July 2020.

Ayon kay PNP Internal Affairs Service (IAS) Inspector General Atty. Brigido Dulay, sa ngayon patuloy ang ugnayan nila sa House quad committee para makakalap ng mga ebidensya at testimonya ni Mendoza.


Ani Dulay maituturing na grave offense ang ginawa ni Mendoza na posibleng humantong sa summary dismissal.

Tatagal aniya ng 45 araw hanggang 60 araw ang pangangalap ng ebidensya ng PNP IAS tsaka magtutuloy sa formal proceedings at summary dismissal proceedings.

Paliwanag ni Dulay anuman ang maging rekomendasyon ng PNP IAS, ang liderato pa rin ng PNP ang bahala kung kakatigan nila at ipatutupad ang dismissal laban kay Mendoza.

Facebook Comments