Manila, Philippines – Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang na pagkakataon na para sa Office of the Ombudsman na patunayan ang kanilang pagiging patas sa nakatakdang pagsasampa ng kasong plunder laban sa dating opisyal ng nakaraang administrasyon na dawit sa katiwalian sa MRT.
Matatandaan kasi na inatasan ni Pangulong Duterte ang Solicitor General na sampahan ng kasong pandarambong sina dating Transportation Secretary Jun Abaya, dating Interior Secretary Mar Roxas at dating Budget Secretary Florencio Butch Abad dahil sa kaso.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, maaaring kumilos ang Ombudsman sa nasabing kaso at kung mayroong kakulangan ng ebidensiya ay maaari naman aniya silang gumawa ng hakbang para dito.
Sinabi ni Roque na nagdurusa ang mga pasahero ng MRT kaya umaasa silang kikilos ang Ombudsman para maparusahan ang mga dating opisyal na nagdulot nito.
Pero sakali aniyang hindi kumilos ang Ombudsman ay wala silang magagawa pero ipupursigi pa rin nila ang kaso.