Habang nalalapit ang pagbasa ng hatol sa kasong plunder laban kay Senador Bong Revilla, patuloy ang pananalangin ng kanyang pamilya na malusutan ang matinding dagok sa kanilang buhay.
Sa gitna ito ng mga naglalabasang ulat na magkakaroon ng split decision hinggil sa P224-M plunder case laban kay Revilla na nag-ugat sa sinasabing hindi tamang paggamit ng Priority Development Assistance Funds (PDAF).
Sa Biyernes, Disyembre a-7 ay itinakda ng Sandiganbayan First Division ang promulgasyon sa kaso ni Revilla na ayon sa mga naglalabasang ulat ay mayroong split decision ang mga mahistrado ng anti-graft court.
Sa panayam kay Bacoor, Mayor Lani Revilla na dumalo at nagbigay ng suporta sa pagsasanib ng Hugpong ng Pagbabago ni Mayor Sara Duterte at Pwersa ng Masang Pilipino ni Manila Mayor Joseph Estrada, tumanggi ang alkalde na magbigay ng anumang komento sa kasasapitan ng hatol lalo na at hindi aniya dapat mapangunahan ang mga mahistrado ng Sandiganbayan.
Inamin din niya na may natatanggap silang impormasyon na paborable at hindi paborable sa senador ngunit ang lahat aniya ay mahirap paniwalaan hanggang hindi pa binabasa ang hatol sa kanyang mister.
Gayunman, umaasa ang alkalde na mabigyan ng merito ang ginawang pag-amin ng mga testigo na walang kinalaman ang senador sa sinasabing paglustay sa P224-M PDAP funds.
Patuloy din ang panawagan ng alkalde sa mga tagasuporta at nagmamahal sa kanilang pamilya kasama na ang mga tagahanga ni Revilla na samahan sila sa pananalangin para mapawalang-sala sa kaso ang Senador.