Itutuloy ng Philippine Military Academy (PMA) ang Alumni Homecoming sa Fort Gregorio del Pilar sa Baguio City sa darating na February 12 at February 13.
Ayon kay PMA Spokesperson Major Cheryll Tindog, pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) at Baguio City Local Government Unit (LGU) ang pagtitipon na may maximum na 30 percent attendance lang.
Ayon kay Tindog, ipatutupad nila ang isang “hybrid concept” na kakaiba sa tradisyunal na pagtitipon, kung saan iilang alumni at awardees lang ang magiging “physically present”, habang ang karamihan ay makikilahok nalang sa pamamagitan ng Zoom video teleconference.
Aniya, may 90 alumni at awardees na ang nag-abiso na pisikal na dadalo, mas mababa pa rin ito sa pinahintulutang bilang na maaring makadalo sa alumni homecoming.
Bilang pagsunod naman sa health protocols, ang lahat dadalo ay kailangang kumuha ng medical certificate na may negative RT-PCR result at travel authority mula sa local police.