PMA Cadet 4th Class Darwin Dormitorio, sinadyang pahirapan at patayin

Naniniwala ang pamilya ng hazing victim na si PMA Cadet 4th Class Darwin Dormitorio na matindi ang naranasan nitong pagmamaltrato.

Ayon kay Dexter Dormitorio, kapatid ng namatay na Kadete, may intensyong pahirapan at patayin ang kanyang kapatid.

Sa timeline na inilabas ng Baguio City Police, nitong August 19 ay sinuntok si Darwin ng maraming beses nang magastos niya ang kalahati ng kanilang allowance.


August 20 hanggang 27 ay na-confine siya sa PMA Hospital dahil sa Hematoma o pamumuo ng dugo sa kanyang tiyan at likod, bukod pa ang paso sa mga balikat.

August 28, nakalabas ng ospital si Darwin at dito naman siya sinampal ni Cadet 3rd Class Shalimar Imperial.

Sept. 14 ay muli siyang pinahirapan kung saan itinali ang kanyang kamay habang nakahiga at tinakpan ng plastik ang kanyang mukha.

Sept. 17 tinawag siya ni Cadet 1st Class Axl Rey Sanopao para hanapin ang nawawalang combat boots.

Isinugod muli si Sanopao sa ospital pero pinalabas ulit ito dahil Urinary Tract Infection (UTI) lang ang diagnosis.

Kinagabihan ay nakitang nakaupo sa sahig si Darwin at nanghihina sa loob ng kanyang kwarto kung saan sinipa siya sa ulo ng upperclass man para bumangon.

Sa mga sumunod na oras, naabutan ni Darwin na kinukuryente ng upperclass man ang isang kaklase at dito rin siya kinuryente gamit ang isang stun gun.

Madaling araw ng Sept. 18 ay nakita si Darwin na hindi gumagalaw.

Muli siyang isinugod sa ospital at sinubukang i-revive pero binawian na ito ng buhay.

Nasa pitong suspek na ang sangkot sa pagkamatay ni Dormitorio.

Bukod sa paglabag sa Anti-Hazing Law, plano ng pulisya na sampahan ng kasong murder at pag-aaralan din kung posibleng silang kasuhan ng torture.

Kakasuhan naman ng negligence ang dalawang doktor na sumuri kay Dormitorio noong Agosto at Setyembre.

Facebook Comments