PMA Class of 2024, COVID-free

Magsisimula na sa kanilang cadetship ang 350 kadete ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 2024 makaraang ma-sertipikahan COVID-19 free.

Nakumpleto ng 350 kadete ang lahat ng mga health requirements kaya pormal na nanumpa at sumailalim sa reception rites sa Fort Del Pilar, Baguio City kahapon ang 280 kadeteng lalaki at 70 kadeteng babae.

Tinupad ng mga kadete ang mga health protocols tulad ng physical distancing at pagsusuot ng face mask sa reception rites na tradisyunal na pagsubok sa mga bagong kadete.


Sinabi ni PMA Superintendent Vice Admiral Allan Ferdinand Cusi na dahil sa COVID-19, kakaiba ang reception rites sa dating nakagawian at tanging ang PMA community lang ang saksi.

Matatandaang maging sa graduation rites ng PMA class of 2020, hindi rin pinayagan ang mga magulang ng mga kadete na dumalo sa simpleng seremonya.

Tiniyak naman ni Cusi sa mga magulang ng mga kadete na patuloy na mag-a-adapt ang PMA sa mga pagbabagong nangyayari dulot ng pandemya, habang pinapanatili ang pinakamataas na antas ng pagsasanay sa mga “future leaders” ng bansa.

Facebook Comments