Maaari na ring magpabakuna kontra COVID-19 sa mga klinika.
Ito ay matapos makipagtulungan ng Philippine Medical Association (PMA) sa Department of Health (DOH) at National Task Force (NTF) para maitaas pa ang vaccination coverage sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni PMA President Dr. Benito Atienza na maaari na ring magbakuna ang mga doktor sa kani-kanilang mga klinika kasabay nang pag-arangkada ng Bayanihan, Bakunahan part 4.
Ayon kay Dr. Atienza, kinakailangan lamang makipag-ugnayan ang mga doktor sa DOH maging sa Local Government Unit (LGU) upang mabigyan sila ng vaccine supply, storage ng mga bakuna at ang kabuuang bilang ng mga nagpabakuna sa kanila na isusumite naman sa LGU para sa vaccination data.
Kasunod nito, hinihikayat ng PMA ang publiko na magpabakuna at magpa-booster shot na gayundin ang pagpapabakuna sa mga bata dahil maliban sa sapat ang suplay ng bakuna ay maaari na rin ang walk-in.