PMA matikas class 1983, nagpasalamat sa House Quad Committee makaraang matukoy ang nasa likod ng pagpaslang sa kanilang mista na Retired General Wesley Barayuda

Naglabas ng pahayag ang Philippine Military Academy (PMA) Matikas Class of 1983 na nagbibigay papuri at nagpapaabot ng lubos na pasasalamat sa House Quad Committee.

Ito ay makaraang matukoy sa imbestigasyon ang mga nasa likod ng pagpaslang sa kanilang mistah na si Retired General Wesley Barayuga noong July 2020 habang ito ay nakaupo bilang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary.

Sa ikapitong pagdinig ng House Quad Committee ay emosyonal na isinalaysay ni Police Lt. Col. Santie Mendoza na inutusan sila ni NAPOLCOM Commissioner Edilberto Leonardo na paslangin si Barayuga.


Kwento ni Mendoza, sinabi ni Leonardo na ang utos ay mula kay dating PCSO General Manager at retired Police Colonel Royina Garma kapalit ang P300,000.

Base sa pahayag ng PMA Matikas Class 1983, dahil sa napakahusay na pagtatrabaho ng Quad Comm ay nabuhay ngayon ang pag-asa na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Barayuga at mapanagot ang mga tunay na maysala.

Bilang tugon ay pinasalamatan naman ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang tiwala at kumpyansa sa House Quad Committee ng PMA “Matikas” Class of 1983.

Tiniyak ni Romualdez na ipagpapatuloy ng mga miyembro ng Quad Committee ang paghahanap ng katotohanan at pagsusulong ng katarungan.

Facebook Comments