Bigong makadalo si Police Major Rodney Baloyo IV sa unang araw ng pagdinig ng Department of Justice (DOJ) sa reklamong inihain ng PNP-CIDG laban sa tinaguriang labing-tatlong ninja cops na sangkot sa Pampanga drug raid noong 2013.
Sa halip ay abogado lamang ni Baloyo na si Atty. Donie Ray Muli ang humarap sa hearing at nagpa-abot ito na hindi na magsusumite ng karagdagang ebidensya ang kanyang kliyente.
Si Baloyo ay nakakulong ngayon sa New Bilibid Prisons (NBP) matapos ipa-contempt ng Senado matapos na hindi makuntento ang mga senador sa kanyang mga sagot sa Senate hearing.
Dumalo naman sa preliminary investigation ang labing-dalawang iba pang respondents na pulis ng Pampanga.
Kabilang dito sina:
PSINSP joven bognot de guzman jr.
Spo1 jules lacap maniago
SPOI DONALD CASTRO ROQUE
SPOI Ronald Bayas Santos
SPO1 Rommel Munoz Vital
SPO1 Alcindor Mangiduyos Tinio
SPO1 Eligio Dayos Valeroso
PO3 Dindo Singian Dizon
PO3 Gilbert Angeles De Vera
PO3 Encarnacion Guerrero Jr.
PO2 Anthony Loleng Lacsamana
PO3 Dante M. Dizon
Humirit naman ang PNP-CIDG na bigyan sila ng pagkakataon para makapaghain ng amended complaint na siya namang pinagbigyan ng panel.
Binigyan sila ng panel ng limang araw o sa October 21 para maghain ng supplemental complaint gayundin ang iba pang respondents para makapagsumite ng karagdagang mga dokumento.
Magugunitang lumutang sa Senate investigation na 200 kilos ng shabu ang nakumpiska ng ninja cops pero 38 kilos lamang ang dineklara ng mga ito.