PN, kinumpirma ang pagkamatay ng kanilang applicant

Ikinalulungkot ng Philippine Navy (PN) ang nangyaring trahedya kung saan nasawi ang kanilang civilian kitchen staff sa ipinapatayong New Senate Building malapit sa Bonifacio Naval Station, Taguig City, kagabi, July 25.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Commander JP Alcos, ang nasawing kitchen staff ay nagtatrabaho sa isa sa dining facilities sa loob ng Bonifacio Naval Station at nasa proseso sa pag-a-apply bilang kasapi o miyembro ng Philippine Navy.

Sinabi ni Alcos na nagsasagawa na ang Philippine Navy ng malalimang imbestigasyon sa insidente katuwang ang pulisya.


Sa ngayon, hindi muna pinapangalanan ang nasawing kitchen staff dahil ipinababatid pa ito sa kanyang pamilya.

Taos puso namang nakikiramay ang pamunuan ng Philippine Navy sa naulilang pamilya ng biktima kung saan handa silang makipagtulungan sa alinmang imbestigasyon.

Matatandaang batay sa report mula sa security team ng Senado, pumasok ang biktima sa construction area ng gusali bandang alas-9:30 kagabi.

Ang biktimang nasawi ay hinahabol umano ng kanyang kasamahan at ng security guards pero sa loob ng isang oras ay hindi ito matagpuan.

Dakong alas-10:00 kagabi nang aksidenteng mahulog ang biktima sa North Tower ng New Senate Building pero hindi pa matukoy kung sa anong palapag ito nahulog.

Facebook Comments