PNOC, nagrekomenda ng mga hakbang para tugunan ang mataas na presyo ng produktong petrolyo

Nagmungkahi ang Philippine National Oil Company (PNOC) ng mga programa para matulungan ang mga kababayan mula sa epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, inusisa ni Senator Raffy Tulfo ang PNOC kung ano ang mga hakbang para maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis.

Ayon kay PNOC President at CEO Jesus Cristino Posadas, plano nilang magpatupad ng targeted fuel relief programs na may pondong P2.5 billion.


Nais din ng PNOC na magkaroon ng strategic petroleum reserve na isang long term program na magagamit lalo na kung may matinding oil supply disruption gaya ng nangyaring pag-atake sa petroleum facility sa Saudi Arabia noong 2019.

Sa kasalukuyan, ang reserbang langis ng bansa base sa downstream oil industry ang minimum inventory requirement ay 30 days para sa refineries, 15 days sa importers at 7 days sa LPG.

Sabi ni Senate Minority Leader Senator Aquilino “Koko” Pimentel, maganda sana ang ideya ng PNOC pero kailangang idetalye ang programa lalo’t gobyerno ang hahawak nito.

Facebook Comments