“Simple, hindi palautos.”
Ganito inilarawan ng long-time household staff na si Yolly Yebes si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Si Yebes ay 30 taon nang nagsisilbi sa tahanan ni Aquino sa Times Street, Quezon City mula nang magtrabaho ito sa Kongreso hanggang sa tumira sa Bahay Pangarap nang maging pangulo.
Kaya ganon na lamang aniya ang sakit at lungkot na nadama niya sa pagpanaw ni PNoy.
Kwento ni Yebes sa Programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, paboritong almusal ni PNoy ang crispy corned beef at bacon.
Pero noong gabi bago siya pumanaw, nagbilin si Aquino ng crispy pata, sisig at burger.
“Tatawag na lang daw siya kung kakain siya. ‘Yun po ang pinahanda niya. ‘Di siya tumatawag mga 12 (a.m.), pinasok ko siya, tulog, sarap po ng tulog niya. Sabi po niya, ‘pag tulog siya wag siyang aabalahin kasi yun lang yung time na nakakatulog siya,” salaysay ni Yebes.
“Umalis ako pero mga 12:30 hindi po ako mapakali, bumalik ako. Tapos ‘sinabihan ko po yung security niya na anumang oras, gisingin ako ‘pag tumawag si Sir.”
Dakong 5:45 nang bumalik siya sa security ni Aquino pero hindi pa rin daw ito tumatawag kaya kinabahan na siya.
“Kinabahan ako. Pumasok po ako sa kwarto niya. Sabi ko ‘Sir, Sir’. Eh, ‘di na po siya kumikibo. Parang nag-ano na po yung katawan ko, parang iba. Lumabas po ako, tinawag ko po ang nurse. ‘Yung nurse na ang nagpunta sa kwarto. Parang iba ang tignin ko kay, Sir, pero nasa La-Z-Boy pa rin po siya,” kwento pa ni Yebes.
Emosyonal ding inalala ni Yebes ang mga araw na hindi ito umuwi sa kanila nitong pandemya dahil sa pag-aalalang baka mahawaan si Aquino ng COVID-19.
“Ang sakit po. Ang sakit talaga kasi para nang siya yung pamilya ko. Nito nga po mula ng pandemic, hindi ako umuwi samin kasi inaalala ko po baka mahawaan siya. Kahit po yung mga kapatid sinasabi nila, okay lang hindi ako makauwi, naiintindihan naman po nila ‘yon sa amin.”
Samantala, ibinahagi rin ni Yebes kung anong klaseng tao si Aquino sa bahay.
“Ang ano po talaga kay Sir, pag dumating sa bahay, diretso na po yun sa kwarto niya, nanonood, nagbabasa. Tsaka lang po yun tumatawag sa amin kung may kailangan siya. Hindi po talaga siya nagpapa-istorbo. Ganon lang po talaga siya sa [Bahay] Pangarap dati,” aniya.
“Napakabait, hindi siya palautos talaga,” dagdag niya.
Pinasalamatan naman ni Vice President Leni Robredo si Yebes sa mahabang panahong pag-aalaga nito kay PNoy.
“Gusto namin ikaw paabutan ng malaking pasasalamat. Kasi ang daming utang sa kanya ng mga kasama niya kasi hindi namin naparamdam sa kanya yung pasasalamat na deserve niya,” ani Robredo.