Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na tatlong pulis ang killed in action habang apat naman ang wounded in action matapos ang madugong pagsisilbi lamang sana ng warrant of arrest.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, naganap ang insidente kaninang alas-5:00 ng madaling araw sa Brgy. Mahayag, Sta. Margarita, Samar.
Sinabi ni Fajardo na isisilbi lamang sana ng Samar Provincial Mobile Force Battalion ang nasabing mandamyento de aresto laban sa mga suspek na sina Edito Ampoan, Jojo Altarejos at Rogelio Macurol na mga miyembro ng Ampoan Criminal Group nang biglang magkaroon nang sagupaan.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Sta. Margarita PNP kung saan lahat ng kanilang estasyon sa Samar ay inilagay na sa alert status at inatasan narin ang pagkakaroon ng checkpoints.
Mayroon na ring ipinakalat na karagdagang pwersa sa lugar tulad ng 804th at 805th ng Regional Mobile Force Battalion.