PNP, aalalay sa mga maii-stranded na pasahero hangga’t nagpapatuloy ang transport strike

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na handa ang kanilang mga tauhan at asset na umalalay sa mga maii-stranded na pasahero.

Ito ay kasunod nang ikalawang araw na tigil-pasada ng grupong PISTON.

Ayon kay PNP Public Information Office Acting Chief PCol. Jean Fajardo, nakahanda ang Pambansang Pulisya na umalalay sa mga maii-stranded na mga pasahero sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng sakay.


Mayroon din aniya silang sapat na mga tauhan para umalalay sa mga maaabalang motorista.

Ani Fajardo, hangga’t nagpapatuloy ang transport strike ay naka-alalay din ang kapulisan.

Kahapon, sinabi ng PNP na walang naitalang untoward incident sa unang araw ng tigil-pasada.

Hindi rin nagawang maparalisa ng transport strike ang pampublikong sasakyan sa kalakhang Maynila.

Batay sa report ng NCRPO sa PNP headquarters, aabot lamang sa humigit kumulang 600 mga tsuper ang nakiisa sa tigil-pasada sa buong Metro Manila kahapon.

Ang nasabing tigil pasada ng grupong PISTON ay para tutulan ang itinakdang deadline para sa franchise consolidation application ng mga Public Utility Vehicle (PUV) sa December 31.

Facebook Comments