Pinayuhan ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang publiko lalo na yung mga nabiktima nang pangha-harass ng mga online lending platforms collection agents na wag mag atubiling dumulog sa kanilang tanggapan.
Ayon kay ACG Spokesperson Police Capt. Michelle Sabino, tinitiyak ng Pambansang Pulisya na kanila itong aaksyunan.
Aniya, walang mali sa paniningil ng utang, ang mali lamang dito ay ang pagpapataw ng mga online lending platforms ng malaking interes dahilan para lalong mabaon sa utang ang mga nanghiram ng pera.
Mali at labag din sa batas ang pamamahiya, harassment at pagbabanta sa buhay ng mga borrowers.
Kahapon, matatandaang nagpasaklolo sa PNP Anti-Cybercrime Group ang nasa 50 indibidwal na nabiktima nang pangha-harass, pamamahiya at nakatanggap pa ng pagbabanta sa buhay mula sa collecting agents ng mga online lenders nuong hindi sila nakapagbayad on time ng kanilang loans.
Kwento ng mga ito, ang ilan sa mga biktima ay nakatanggap pa ng funeral flower arrangement at kabaong dahil sa hindi mabayarang utang.