Muling pinaalalahanan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang publiko na mag-ingat sa mga pekeng employment opportunities na naka-post online.
Ito’y matapos na maaresto ng Eastern District Anti-Cybercrime Team ng ACG kamakailan ang isang swindler na nambiktima sa kanyang mga sariling kasamahan sa fraternity.
Nahuli sa entrapment operation ang suspek na kinilalang si Rachel Buenaventura.
Base sa reklamo, inalok sila ng suspek ng trabaho sa Japan na naka-post online bilang waiter/waitress, driver at cashier, kapalit ng ₱10,000 processing fee na binayaran ng mga biktima sa pamamagitan ng online banks at digital wallets.
Sa ngayon, nahaharap ang suspek na si Buenaventura sa kasong swindling kaugnay ng paglabag sa RA 10175 Cybercrime Prevention Act of 2012 at Large Scale Estafa.