Nagpaalala ang Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa publiko laban sa pagpo-post ng mga mapanirang pahayag online.
Ayon kay PNP-ACG Acting Director Police Brig. Gen. Ronnie Francis Carriaga, maaring kasing maharap sa kasong cyber-libel ang mga lalabag dito.
Ang pahayag ay ginawa ni Carriaga matapos ipatupad ng mga otoridad ang arrest warrant laban sa isang 16 years old na suspek sa Matina Aplaya, Davao City, dahil sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nabatid na ang arestadong menor de edad na kinilala sa alyas na “Saintz” ay inireklamo ng kanyang pinsan dahil sa pag-post sa FaceBook ng larawan ng biktima na may mapanirang mga salita na nagdulot ng kahihiyan sa biktima.
Payo ng pulisya sa mga netizens, pag-isipang maigi bago mag-post online dahil posibleng humantong ito sa kasong kriminal.