Nagsumite ng mga karagdagang dokumento at ebidensya ang mga tauhan ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) sa Department of Justice (DOJ) kaugnay sa isinagawang raid sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Las Piñas City noong Hunyo.
Umaabot sa 60 na panibagong salaysay o affidavit ang isinumite ng PNP-ACG ACC sa preliminary investigation sa DOJ.
Hindi naman dinala ng PNP-ACG ang limang Chinese sa pagdinig.
Nauna nang inatasan ng DOJ panel of prosecutors ang pulisya na magsumite ng mga karagdagang ebidensya sa reklamong human trafficking laban sa mga Chinese na sinasabing mga boss ng sinalakay na kompanya.
Dahil sa dami ng mga bagong affidavits, hiniling ng mga abogado ng Chinese respondents na mabigyan sila ng dagdag na panahon para magsumite ng kontra-salaysay.
Pinagbigyan naman ng DOJ prosecutors ang mosyon at itinakda ang susunod na hearing at deadline ng counter-affidavit sa August 9.
Samantala, aminado ang legal counsels ng mga dayuhan na hirap sila sa pagbuo ng counter-affidavit dahil naka-detain na ang mga kliyente nila at mayroong language barrier.