
Pinaiigting ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang cyber patrolling nito kasunod ng pagkakaaresto ng dalawang indibidwal sa Makati at Mandaluyong na parehong sangkot sa SMS phishing scam.
Sa modus na ginagawa ng mga suspek, sila ay gumagamit ng International Mobile Subscriber Identity (IMSI) Catcher machine habang nagiikot sa mga syudad para makuha ang mga numero ng mga taong kanilang gagawan ng modus.
Ang nasabing machine ay may kakayahang sumagap ng mga cellphone number sa radius na 100 meters.
Dahil dito, ang mga biktima ay makatatanggap ng mga text message na may link at mula umano sa mga bangko.
Sa ngayon tuloy-tuloy ang koordinasyon ng ahensya sa mga social media platform lalo na sa mga ilegal na nagbebenta ng nasabing equipment online para makapag-scam.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko na wag basta basta magclick ng mga kahina-hinalang links, i-check ang mga spelling error o unusual URLs, at wag magbibigay ng mga personal at financial information sa mga nasabing scammer.









