
Walang dapat na ikapangamba ang publiko sa kabila ng mga ulat na ang ilang dating Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) workers ay nagpapatakbo na ngayon ng mga ilegal na online operations.
Ayon sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), nananatiling kontrolado ang sitwasyon kahit pa umabot na sa mahigit 600 ang naaresto kaugnay ng iba’t ibang cybercrime cases.
Sinabi ni PNP-ACG Director PBGen. Bernard Yang na hindi ito nakakaalarma dahil base sa datos mula 2022 hanggang 2024, bumaba na ang kaso ng online scam sa bansa.
Bagama’t aminado si Yang na naging hamon sa kanila ang pagtugis sa mga bagong modus ng mga dating POGO workers, matagumpay pa rin ang operasyon ng pulisya dahil mahigit 100 na ang na-convict mula sa kanilang mga naaresto simula nang pamunuan niya ang nasabing unit ng PNP.









