PNP, AFP at BFP sa buong Negros Island, isinailalim ni PBBM sa high alert dahil sa pagputok ng Bulkang Kanlaon

 

Inilagay na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa “high alert” ang lahat ng unit ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Bureau of Fire Protection (BFP) sa buong Negros Island dahil sa pagputok ng Bulkang Kanlaon.

Sa inilabas na pahayag ng pangulo, sinabi nitong nakatanod na ang Task Force Kanlaon para i-coordinate ang tamang pagresponde batay sa lakas ng pagsabog ng bulkan at pinsalang hatid nito.

Nakahanda na rin aniya ang lahat ng unit na sumuong sa mga hamon at sitwasyon na darating.


Bago pa man aniya sumabog ang bulkan ay pinaghandaan na ng NDRMMC at Office of Civil Defense ang pagtugon sa maaaring worst-case scenario.

Pagtitiyak pa ng pangulo, kung gaano katindi ang bangis ng bulkan, ay tatapatan ng pamahalaan ang pag-aksyon at pagtugon nito sa sitwasyon.

Mahigpit aniya ang kanilang monitoring lalo na sa pag-agapay sa epekto ng pagsabog ng bulkan at masusing nakikipag-ugnayan sa mga ahensya at LGU para masiguro ang kaligtasan ng lahat.

Facebook Comments