PNP, AFP at iba pang kaukulang ahensya, patuloy ang koordinasyon para sa inagurasyon ng susunod ng pangulo ng Pilipinas sa June 30; mga parke sa lungsod ng Maynila, mahigpit ding babantayan ng MPD

Patuloy ang paghahanda at koordinasyon ng Philippine National Police o PNP, Armed Forces of the Philippines o AFP at iba pang kaukulang ahensya para sa nakatakdang inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa June 30.

Ayon kay National Capital Region Police Office o NCRPO Chief Major General Felipe Natividad, kahapon ay nagkaroon ng pagpupulong sa pangunguna ni PNP Officer-In-Charge (OIC) Lieutenant General Vicente Danao Jr.

Aniya, pinag-usapan ang iba pang paghahanda hinggil sa ipapatupad na mahigpit na seguridad para sa panunumpa ni incoming President Marcos sa National Museum of the Philippines sa lungsod ng Maynila.


Dagdag pa ni Natividad, sa inisyal na bilang ay aabot sa 10,000 ang ipapakalat na pwersa ng mga otoridad.

Sinabi pa ni Natividad na ang mga pulis at sundalo ay magsisilbing security forces na magtitiyak na maayos at mapayapa ang naturang inagurasyon.

Nakipag-ugnayan na aniya sila sa transition committee mula sa Malakanyang upang malaman ang mga kailangan sa parte ng susunod na pangulo ng Pilipinas.

Samantala, mahigpit ring babantayan ng Manila Police District o MPD ang mga parke sa lungsod ng Maynila sakaling may mga grupong magkikilos-protesta malapit sa lugar kung saan isasagawa ang inagurasyon ni Marcos.

Ayon sa pamunuan ng MPD, partikular na babantayan ang Plaza Miranda sa Quiapo, Plaza Dilao sa Paco, Plaza Moriones sa Tondo at Liwasang Bonifacio sa Ermita.

Dagdag pa, naka-standy-by ang kanilang mga tauhan mula sa Civil Disturbance Management (CDM) team na siyang mag-monitor sa mga naturang parke.

Facebook Comments