PNP, agad na nirespundehan ang tawag mula sa Unified 911; insidente ng carnapping, nahuli sa Antique

Agad na nirespundehan ng Philippine National Police (PNP) – Belison Municipal Police Station ang tawag mula sa unified 911 patungkol sa isang sasakyan na ayon sa ulat ay kinuha ng walang pahintulot.

Dahil dito, agad na naglagay ng checkpoint ang mga operatiba sa kahabaan ng national highway sa Poblacion, Belison, Antique.

Kung saan nagtangkang takasan ng mga suspek ang mga awtoridad ngunit kalaunan ay nahuli rin ang apat na indibidwal na may edad 18 hanggang 35 taong gulang.

Ayon sa ulat, ang sasakyan ay isang for rent vehicle kung saan ito ay naextend mula sa napag-usapang oras nang hindi pa nababayaran at ito rin ay isinanla ng mga suspek sa ibang tao.

Narekober sa kanila ang mga baril, live ammunition, mga kutsilyo, isang palakol, at iba pang kontrabando.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga nasabing suspek at hinihintay na lamang ang kanilang disposisyon.

Hinikayat naman ng PNP ang publiko na maging vigilante at i-report agad ang mga kahina-hinalang aktibidad sa mga channel ng kapulisan, kagaya na lamang ng unified 911.

Facebook Comments