Manila, Philippines – Kahit isang reklamo ay walang naitatala ang PNP Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) na reklamo mula sa mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na sinasabing biktima ng kidnapping.
Ayon kay PNP-AKG spokesperson Police Lieutenant Colonel Elmer Cereno, walang reklamo silang natatanggap simula nang pumutok ang balita na may mga opisyal ng BIR na dinudukot at mabilisang pinagbabayad ng ransom.
Sinabi ni Cereno na ang karamihan ng mga kasong kanilang iniimbestigahan ng kidnapping ay mga kaso ng mga Chinese kontra sa mga kapwa Chinese.
Kaya naman ipinauubaya na ng PNP-AKG sa NCRPO ang pag-iimbestiga sa kaso ng mga BIR officials.
Pero nitong nakaraang linggo ay kasama ang AKG sa operasyon ng NCRPO sa ginawang pagsalakay sa mga safe house ng mga suspek sa Bulacan na ikinasawi ng isa sa kanila.
Sa report ng NCRPO, nasa 15 mga revenue district officers (RDO) ng BIR ang biktima ng kidnapping sa Metro Manila.
Hindi pa kasama ang mga biktima mula sa mga lalawigan.