
Nilinaw ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang kumakalat na isyu tungkol sa isang Ford Everest na sangkot sa kaso ng kidnapping at pansamantalang ipinarada malapit sa Married Officers’ Quarters (MOQ) 14 sa loob ng Camp Crame.
Sa opisyal na pahayag ng PNP-AKG walang kinalaman ang MOQ 14 o mga opisyal na nakatira doon sa naturang sasakyan kung saan ipinarada ito sa bakanteng espasyo malapit sa quarters dahil limitado ang parking sa loob ng AKG compound.
Ang naturang Ford Everest ay hawak na ngayon ng AKG bilang ebidensya sa kaso ng kidnapping at mahigpit na ipinag-utos na bawal gamitin para sa personal na gamit.
Ang kaso ay kaugnay ng kidnapping na nangyari noong July 1, 2025 sa Parañaque City.
Batay sa reklamo noong Hulyo 3, nagsagawa ng rescue operation ang AKG noong Hulyo 13, 2025 kung saan nailigtas ang biktimang negosyante at nadakip ang 12 suspek at nabawi ang anim na sasakyan kabilang na ang Ford Everest.
Isa sa mga naaresto ay si Wang Hulyi, ang may hawak ng Ford Everest na kalaunan ay nadiskubreng nirenta lamang niya mula Hunyo 25 hanggang Hulyo 25, 2025, ngunit hindi naibalik dahil inabutan ng operasyon.
Naisampa na sa korte ang mga kaukulang kaso at kabilang ang Ford Everest sa mga ebidensya ng prosekusyon.









