PNP AKG, umaasang buhay pa ang mag-inang Chinese nationals na dinukot sa Muntinlupa City

Hindi pa rin matukoy sa ngayon ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG), ang motibo sa nangyaring pagdukot sa 6 na indibiduwal sa Ayala Alabang sa Muntinlupa City noong October 30.

Ayon kay PNP AKG Director, PBGen. Cosme Abrenica, hindi ito pangkaraniwang kaso ng pagdukot dahil sa wala namang hinihiginging ransom at wala ring pakikipag ugnayan sa pamilya ng mga biktima.

Una nang sinabi ng PNP AKG, na 4 sa 6 na mga biktima ang natagpuang patay sa Rizal at Quezon.


Aniya, 2 sa mga ito ay natagpuang namamaga at hindi na makilala sa Marilaque sa Tanay, Rizal noong Undas, November 1.

Habang ang bangkay ng 2 iba pa ay natagpuan naman sa Infanta, Quezon na kalauna’y natukoy na lalaking magkapatid matapos magpositibo sa DNA testing mula sa kanilang mga magulang buhat pa sa China.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Abrenica na nawawala pa rin ang isang 11-taong gulang na batang lalaki at ang nanay nito habang una nang pinalaya ang 4 na Pilipinang sinasabing kasambahay ng mga biktima.

Umaasa ang PNP AKG na makikita pang buhay ang mag-inang Chinese.

Facebook Comments