Magkakaroon ng pagbabago sa polisiya ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) pagdating sa pag-iinspeksyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sites sa bansa.
Ito ay makaraang salakayin ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang Xinchuang Network Inc., noong isang linggo sa Las Piñas city kung saan pitong pugante ang kanilang nadakip na pawang mga empleyado ng kompanya.
Ayon kay PBGen. Sidney Hernia, director ng PNP-ACG, nagbigay ng input ang ACG sa PAGCOR kung saan magiging aktibo na ang kapulisan sa pagsasagawa ng inspeksyon sa POGO companies katuwang ang PAGCOR.
Layon aniya nitong makita agad kung may problema o kontrobersiya sa isang POGO site.
Nagagamit kasi ang ilang POGO companies sa pagkakanlong ng mga pugante at paggawa ng iligal na aktibidad sa bansa.
Matatandaang nagpasaklolo sa PNP ang Chinese embassy dahil natunton ang IP address na ginagamit sa malawakang scam sa China sa compound ng Xinchuang network Inc.
Samantala, inaasahan namang ilalabas ng PAGCOR sa mga susunod na buwan ang bagong polisiya sa POGO kung saan mapapasama ang input na galing sa PNP-ACG.